Hindi si Duterte ang sagot

Kung ang gagawin nating basehan ay ang mga sinasabi ng mga tao sa Facebook, Twitter, at iba pang social media sites, may tatlong klase ng Pilipino: Ang mga botanteng halos ipagsigawan na ang kanilang suporta sa kampanya ni Rodrigo Duterte na maging susunod na Pangulo ng Pilipinas pagdating ng 2016, ang mga botanteng hindi suportado si Duterte, at ang mga taong hanggang ngayon e hindi pa rin sure kung sino ang iboboto nila (at nag-e-enjoy panooring magbatuhan ng kaliwa’t-kanang argumento at meme ang mga pro at anti-Duterte).

Minsan nga, naiisip ko na nakalimutan na yata nating may mga iba pang kandidato e. Parang naaalala na lang natin sila kapag (a) ikinukumpara ang kanilang mga nagawa sa mga nagawa ni Duterte bilang mayor ng Davao, (b) may kung anong shit silang sinasabi tungkol kay Duterte, mabuti man o masama, o (c) may nagawa na naman silang panibagong kagila-gilalas na katangahan.

Chest bump- ARAY! Thumbs up, este, apir sa sarili, este, fist bump! Ay, putangina!

Pero sa totoo lang, may point naman kasi ang parehong panig.

Sabi ng mga pro-Duterte, maganda ang nagawa niya para sa Davao. To see (or live there) is to believe nga raw e. Hindi naman ako nagdududa, sa dami ba naman ng nagsasabi. Isa na raw ito sa pinaka-ligtas na city sa buong mundo, at kahit na medyo kaduda-duda ‘yung source na kadalasang ginagamit bilang reference tuwing nababanggit ‘to (bilang ang pinagkuhaan ng datos ay hindi isang formal study, kundi isang website kung saan ang maski sinong online ay pwedeng bumoto) ay marami namang mga taga-Davao na handang magpatunay dito.

Naniniwala ang mga sumusuporta kay Duterte na ang kanyang “kamay na bakal” ang susi sa pagsugpo sa krimen at korapsyong laganap sa ating bansa. Sino ba naman ang hindi mapapa-wow sa isang pinunong walang takot na nagmamaneho ng taxi sa gabi upang manghuli ng holdaper? Sino ba ang hindi mabibigla sa kwento na minsan daw ay pinakain niya sa isang turista ang sarili nitong sigarilyo matapos nitong suwayin ang patakarang nagbabawal manigarilyo sa kung-saan-saan lang? At sino ba naman ang aayaw sa pinunong walang ibang ninais kundi ang mawala na nang tuluyan sa balat ng lupa ang mga hayup na magnanakaw, mamamatay-tao, drug pusher, at iba pang linta at peste ng lipunan?

Hm. Hindi ‘ata kami ganyan sa Makati. Hindi ko alam, hindi ko trabaho ‘yan, sa housing lang ako e. Gusto mo ng cake?

Sa kabilang dako naman, hindi rin masisisi ang mga taong nahihirapang lunukin na sa isang aminadong babaero, palamura, at diumano’y mamamatay-tao natin ipauubaya ang kapakanan at pamumuno sa bansa. Hindi rin naman kasi talaga birong usapin ang pagkitil sa buhay ng mga diumano’y kriminal, lalo na kung walang paglilitis na naganap bago sila “sentensyahan.” Hindi rin nakakatulong ang mga kwentong kagaya nito, kung saan tila’y napapatunayan na maski ang kamay na bakal ni Digong ay nagkakamali rin – at ang katumbas ng mga ganitong uri ng pagkakamali ay ang kabuhayan (at minsan, buhay) ng inosenteng tao.

Sige, for the sake of argument, tanggapin natin yung idea na okay lang na minsang magkamali si Duterte sa target, kung para rin naman sa ikabubuti ng karamihan na mayroon tayong mga patakarang sobrang higpit para mapigilan ang krimen. Pero parang ang hirap pa ring magtiwala sa isang taong tila pabago-bago ang isip, lalo na’t kung iisipin ay paulit-ulit na niyang sinabing hindi siya tatakbo, na walang kayang makapagpabago ng kanyang pasya. Kung mayroon akong piso sa bawat pagkakataong sinabi niyang “It’s final, I will not run” hanggang sa punto na nagbago ang isip niya, magkakaroon na ako ng sapat na pamasahe papunta at pabalik ng trabaho para sa isang linggo.

Shet, bakit may math bigla? Wala namang ganyanan.

Tingin ko, kaya maraming sumusuporta kay Duterte (to the point na maski anong gawin o sabihin niya e okay lang) ay dahil sawang-sawa na tayo sa mga kagaguhang nakikita natin sa paligid natin. Ikaw ba naman, magbayad ka ng taxes na pagka-laki-laki kada sweldo, tapos makikita mo lang ang bunga ng lahat ng binayad mo tuwing malapit na ang eleksyon, kung saan paulit-ulit silang naghuhukay ng mga kalsada para “ayusin” at palitadahan maski hindi naman kailangan. Aba’y hindi mo ba mararamdaman ang matinding kagustuhang mag-amok?

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos e kulang pa rin ng tren yang lintek na MRT at LRT na yan – matutuwa ka ba kung makikita mo na pagkatapos ng ilang taon ng paghihintay nating bumili ang gobyerno ng dagdag na tren (o maipaayos man lang ang mga luma) e magising ka na lang isang araw at ang sasalubong sa’yo e dumobleng pamasahe at mga bagong ticket booth na ilang buwang iniwang nakabalot lang ng plastic wrap?

Hindi na rin tuloy nakapagtataka na may ilang mga naligaw ng landas at nalaglag sa patibong ng pag-iisip na magandang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas ang Martial Law, at na napakahusay ng ginawa ni Ferdinand Marcos sa bansa. (Kung nabibilang ka sa grupong ‘yan, utang na loob, basahin mo itoito, at ito.)

Pwede ring wag mo nang basahin, tapos iboto mo ‘ko bilang bise para happy-happy ulit ang pamilya ko, este, ang Pilipinas. Hehe. Hehehehehehe. #TuwadNaDaan pa more!

Nakakadismaya din manood ng balita. Rape dito, holdap doon, drug pushing sa probinsya, usaping pork barrel sa Senado, status update ni Kris Aquino na sobrang out of touch sa realidad na sa ‘di mo maintindihang dahilan e nasa “ulo ng mga nagbabagang balita.” Aba’y sino ba naman ang hindi mababanas niyan? Parang gusto mo na lang tuloy sumama sa tropa nina Rick at Carl para makipagbarilan at makipaghabulan sa mga zombie kesa magtiis ng isa pang minuto sa kaletsehang ito.

Siguro, kung may isang bagay na naging malinaw sa akin pagkatapos ng lahat ng nabasa kong pro-Duterte posts, ‘yun ‘yung kawalan natin ng kumpiyansa at tiwala sa kapwa natin… at pati rin sa mga sarili natin. Kailangan natin ng kamay na bakal para mapasunod tayo; kailangan natin ng baril na nakatutok sa sentido natin para lang tumino tayo. Sabi nga ni Loki sa The Avengers, “The bright lure of freedom diminishes your life’s joy in a mad scramble for power, for identity. You were made to be ruled.”

Pangalawang geek reference na ito in two paragraphs, imagine.

Ito siguro ang dahilan kung bakit tila ang tingin ng maraming tao kay Duterte ay ang tanging kandidatong karapat-dapat maging pangulo. Sa katunayan, sa sobrang pagkabilib ng ilan sa kanya ay napakadali na nilang naisasantabi ang mga bagay na maaaring ituring na pagkukulang o pagkakamali niya.

Okay lang na babaero, basta magaling na pinuno. Besides, kasalanan na ng mga babae ‘yun, sila ang walang respeto sa sarili nila, ginusto naman nila ‘yan kahit alam nilang ganyan talaga si Duterte.”

Okay lang na palamura kaysa sa nagbabait-baitan.”

“Sige, ayos lang na patayin ‘yang mga kriminal na ‘yan. Wala nang trial-trial.”

Para sa maraming mga taga-suporta ni Duterte, ayos lang ang lahat ng ito. Tutal naman, siya ang susi sa pag-unlad ng Pilipinas, ‘di ba? Gumanda at naging mas ligtas ang Davao dahil sa pamumuno niya; tiyak ay kaya niyang gawin ‘yun para sa buong Pilipinas. Tama?

Parang hindi ko gusto yung ganyang klaseng pananaw.

Teka, linawin ko lang muna ‘yung sinabi ko bago niyo ako hanapin para gulpihin o lait-laitin. Hindi ko naman minamaliit si Duterte o ang mga supporter niya. Wala namang mali sa pagsuporta at pagboto sa kanya. Sa katunayan, pinag-iisipan ko nga kung iboboto ko rin siya e. Marami lang akong bagay na hindi ma-sikmura/ma-reconcile sa isip ko tungkol sa kanya kaya hindi ako makapag-desisyon. Para siyang walking contradiction e. Kaso pag tiningnan mo naman ‘yung mga ibang option, madidismaya ka rin. Anyway, wala naman akong balak na baguhin ang isip niyo tungkol sa pagboto sa kanya, choice niyo naman ‘yan e. Hindi ‘yun ang point nitong blog post ko.

May mga bagay lang ako na gustong linawin.

Una, oo, magandang tingnan ang track record ng isang kandidato, pero sana pati platform niya, pag-aralan din. Hindi lang ito tungkol kay Duterte – nag-a-apply ito sa lahat ng kandidato. Ano ba ang gagawin niya pag nanalo siya? Paano niya balak solusyonan ang mga problema ng bayan? Maski maganda ang nagawa niya noon, kung hindi malinaw kung ano ang gagawin niya ‘pag nanalo siya sa eleksyon, anong pinagkaiba niya kay Intergalactic Earth Ambassador?

Pangalawa, sana’y hindi natin tingnan ang maski sinong kandidato bilang isang napakataas na uri ng nilalang na may hawak ng lahat ng solusyon sa lahat ng problema sa bansang ito. Halimbawa, si Duterte. Hindi salamangkero si Duterte. Hindi niya magagawang tanggalin ang lahat ng problema ng Pilipinas sa pamamagitan lang ng pagiging Pangulo. Hindi si Duterte ang sagot sa LAHAT ng problema ng bansang ito.

Alam mo ba kung ano ang sagot?

Kung sino ang sagot?

I am of the opinion that there is no other, god or peon, in a better position to provide a solution to the baffling question of how this nation can be saved from destruction… than the very person who is reading this composition. (Kasya kaya lahat n’un sa T-shirt? Baka pwede pang dugtungan ng pickup line.)

Ikaw ang susi, kaibigan. Tayo.

Maski sino pang kandidato ang iboto natin at manalo, hindi ‘yun katiyakan na magiging mas maunlad na ang Pilipinas. At best, magkakaroon tayo ng lider na gusto talagang magsilbi sa bansa, hindi lang magpapogi, magnakaw, o manisi sa nakaraang administrasyon (pero konti lang/wala lang ring gagawin para ayusin ang mga nakikitang problema).

Manisi. Diyan magaling ang karamihan sa mga lider natin… at nakakalungkot mang aminin, diyan din magaling ang karamihan sa atin. Kaso, hanggang paninisi lang, at walang pagkilala ng kanya-kanyang sariling responsibilidad.

Naalala ko nung isang gabi, nakapila ako sa sakayan ng FX sa tapat ng Megamall. Pinagmamasdan ko yung mga tao sa paligid ko. May ilang nakatambay lang doon na tuwing may dadaang babae e sinusundan ng tingin, akala mo halos gahasain na sa isip nila. (Naniniwala akong ang catcalling ay isang offense na dapat may katumbas na mabigat na parusa, ‘yung tipong masasaksak ng kutsilyo sa bayag, ganun. Pero sa ibang blog post na lang natin pag-usapan at baka uminit ang ulo ko at hindi ko na ito matapos.) May sumingit sa pila sa bandang harap, babaeng medyo may edad na, nagpa-simple pa, unti-unting pumasok sa pila hanggang maunahan niyang makasakay ‘yung mga ibang tao na kalahating oras nang nag-aantay ng masasakyan. Yung kupal na malapit sa’kin sa pila – na nakasuot pa ng“Du30 Kami” shirt– e naninigarilyo sa pila, tapos nung natapos siya, pa-simpleng binitiwan yung upos tapos inapakan lang at iniwan sa sahig. May babaeng hindi makapag-antay sa pila, na sa sobrang inis niya e pagalit na dumaan sa harap ko at naglakad papuntang Shang – halos mabangga na niya yung nasa harapan ko. Lahat ng bagay na ‘yan, nasaksihan ko, wala pa akong isang oras sa pila.

Problema kasi sa atin, gusto nating sumulong, pero humahakbang tayo nang paurong.

Mga taxi driver na nanghihingi ng dagdag na bayad o nangongontrata.

Mga jeepney driver na kahit nag-uumapaw ang dashboard sa barya e hindi nanunukli, at kung magmaneho e akala mo’y laging naka-drugs o natatae.

Mga tambay na sumusutsot sa mga babaeng dumaraan (at minsan, sobrang ayos at ka-respe-respeto pa ang itsura – naka-polo pa at lahat, galing naman sa burak ang ugali).

Mga taong dumudura sa daan, nag-iiwan ng chewing gum sa ilalim ng upuan o sa pader, nagtatapon ng basura kung saan-saan kahit may malapit namang basurahan.

Mga nagpapa-“fun run for the environment” pero nagkakalat naman ng paper cups pagkatapos.

Mga naninigarilyo kung saan nila trip at kahit naglalakad – walang paki kung may mabugahan sila ng usok o mapaso ng sigarilyo – na pagkatapos manigarilyo e itatatapon lang yung upos kahit saan.

Mga taong hindi marunong mag-recycle o magtipid, tapos puro angal pag wala na silang pera.

Mga taong hindi marunong pumila at gusto lang laging mauna.

Mga taong bastos mag-park ng sasakyan at ginagamit ang disabled slot kahit ‘di naman kailangan.

Mga cyberbully na nagmamagaling at nanlalait ng kapwa sa social media.

Mga taong basta-basta na lang nagkakalat at naniniwala sa mga satire articles o basta-basta na lamang nagre-react sa balitang hindi naman nabasa ng buo.

Maigsing listahan lang ‘yan, pero ang bawat isa diyan, gaano man kaliit, ay isang hakbang paurong.

Huwag sana nating iasa sa iisang tao ang pagbabago. Iboto natin ang kandidatong pinaniniwalaan nating pinaka-qualified sa trabaho at makakagawa ng pinakamaraming kabutihan sa posisyon, pero tandaan din natin na sa bandang huli, wala sa pangalang nasa balota ang susi sa pag-unlad natin, kundi nasa kamay ng mga taong nag-iiwan ng thumb mark nila sa mga ito.

At kung malasin man tayo at ang sunod nating Pangulo e palpak na naman, sana’y i-skip na natin ‘yung parte kung saan magsisisihan tayo at mag-aaway pa. Gumawa na lang tayo ng mabuti sa kapwa natin, lalo na sa mga panahong tila hindi natin ito makita sa mga inaasahan nating mamumuno sa atin patungo sa tamang daan. Ayusin na lang natin ang mga buhay natin, magtulungan tayo, at mahalin natin ang bansa.

It’s the only one we’ve got. 

Noynoy Aquino inauguration

Peksman, sagasaan man ako ng tren.

6 comments

  • Nice read… laptrip yung first half ng article… eyeopener naman ang 2nd half… Kaya sinabi ni Duterte, kelangan mag sakripisyo ang bawat isa… dahil di lang naman talaga sa kanya lang nakasalalay ang lahat… siya lang ang mag iinitiate, nasa tao na kung mag cocooperate… 🙂

  • BESTIE. ANG BINAY CAPTION MO =)))))))))))

  • P.S. The fourth pic is missing.

  • Tuwing naisipan kong sitahin ang isang taong may maling ginagawa (yung kahit saan nagtatapon ng basura, yung simisingit sa pila, yung kotong na traffic enforcer, yung kapalmuks sa taxi driver), ito ang ini-imagine kong nasa isip nila:

    “Tutal yung mga kupal sa mataas na pwesto ng gobyerno, nangongotong din.”

    Kaya si Duterte ang pag-asa ko. Kung ganon, wala na silang panginoon sa “mataas na pwesto ng gobyerno”.

    Kaya tayong may mabuting asal, na nais magturo din ng mabuting asal sa kapwa, kakayanin na natin yun.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *